Exilo Numero Uno

1.

Sa downtown ng Los Angeles

mo makikilala ang mukha ng bayang

kapalit ng iniwan. Nandito ang mga eksenang

iginuguhit ng paningin at pagmumuni-muning

huwag nawang sapitin ang ganitong

pananagad ng nananahang damdamin.



Sa lugar na ito isinisilang

ang paulit-ulit na pagkakasala.

Sa lugar na ito mo rin matatagpuan

ang walang wawang kapatawaran

sa lahat ng mga luhang inutang sa lansangan.



Pag-akyat mo sa subway,

sa bungad ng parke ng mga bagabundong

hinablutan na ng ngiti sa labi, masisilayan mo

ang mga kulay ng sinag ng kagigising na araw.

Tatama ang sinag

sa mga nagpapangkat-pangkat na tubig

at magsasayaw ang mga dahon ng Aspen,

kukumpas sa tugtog ng mga tindero

ng mga ibinabaratilyong katuparan

ng lahat na gustong maangkin

pagkatapos ng araw ng pasasalamat

pagkatapos ng pasko

pagkatapos ng bagong taon

pagkatapos ng lahat ng mga araw

na nahahapo ang mga kaha ng mga tindahan.



Nauubos ang lakas ng mga kapwa exilo

sa paghahanap ng pamalit

sa pagluluksa ng mga gabi at araw

ng pag-iisa. Kahit ano, kahit alin, makalimutan

lamang ang kahungkagan ng mga sansaglit.



Sa downtown mo matatagpuan

ang exilong numero uno.

Siya ang nandarayuhang

kababayang dala-dala ang bigat

ng pagliban sa seremonia ng pagsasaya

sa tahanan o

sa bayang tinalikdan.

Kahit sa malayuan, alam mo

ang ingay ng kanyang katahimikan.

Isinisigaw ang paghahanap ng kaligtasan

sa mga regalong kumakaway

sa mga iskaparate

ng mga eleganteng gintong pantutuli

ng mga pilak na kadena para sa aso o pusang de makina

ng mga imitasyon na pabango para sa paring laging

nagrorosaryo para sa pananagumpay

nagdarasal para sa kaligayahan

na di kasama ang mga mahal sa buhay.

Sa malamyong hagod ng pakikipagtawaran

sa money tree na sinasapo ng buddha

sa mapalad na baston ni san joseng

may mga pekeng perlas o puwit ng basong

kristal na di nagpapahuli

sa pagpapangako ng mamahaling pagmamahal,

makikilala mo ang kababayang

ibig nang umuwi pero wala nang tahanang uuwian.



2.

Kayraming kababayang ganito

sa downtown. Sa mga panulukan

ng mga kalsadang nalulungkot,

makikita mo ang mga beterano

sa pangalawang digmaan,

sabit-sabit ang mga medalyon sa dibdib

tangan-tangan ang mga tupi-tuping sertipiko

ng taglamig na pakikipagsapalaran.

Andiyan yung pinalayas ng anak.

Andiyan yung ibig nang magpatiwakal.

Andiyan yung di na marunong bumigkas

ng salita ng bayan.

Sari-saring mga exilo numero uno

ang isinisilang ng downtown.

Sari-saring estorya ng kawalan.

Sari-saring kabayaran

sa pandarayuhan.



Aurelio S. Agcaoili

Los Angeles, CA

Dis. 5, 2005





No comments: