Ang Bagong Tipan

2005. Anim na Pinay domestic helpers and ginahasa sa Kuwait.
2006. May naitala nang apat na Pinay DHs ang nare-rape.
Pilipino Star Ngayon, Dis. 27, 2006

Ito ang bagong tipan:

magpapatuloy na pandarayuhan
ng ating mga kapalaran
tayong mga nilalang ng dasal at diaspora

mga barya-barya kung sumahod ng grasya
sagad-sagad naman ang tumbas na pagluluksa
ng kalamnan, ng hitang hindi naman laan

sa banyagang nasa, laway, paghagod sa paglulugso
ng puring matagal nang isinanla ng bayang mahal
ng bayang di naman marunong magmahal.

Ngayon ay paulit-ulit ang puno't dulo
ng mga pagtangis:
sa mga ibinukakang pagitan ng mga babae ng bayan

ay ang pagtutubos sa lahat ng kapalaluan
sa mga hita nila ay ang milyong semilya ng kawalan
ipupunla ng mga banyagang kawatan sa damdamin

ng mga dorobo sa puso
ng mga isnatser ng pagmamahal
sila, kasama ng bayang minamahal

magkakasabwat silang lahat
sa pagtutuldok ng naiwang ulirat
bago ang pag-aangkin sa dangal

pagkatapos ng dahas sa puson
sa lagusan ng lahat ng batibat
sa taguan ng mga duguang luha

habang ang pagkubabaw na paindayog
ay siya ring pagraratrat sa pangarap
ng mga nasang sablay.

Uuwi ang mga babae
ang mga sinapupunan ay saksi ng mga bituin
ayaw nang magningning, ang pagitan

ay yelo na kung ituring, doon ay walang katapusan
ang taglamig habang ang isip ay nagpapaningas
ng bulkan, mangangako ng pagdilim

ng walang ngalang kinabukasan.


A Solver Agcaoili
UH Manoa
Dis 26/06

No comments: